NAGA CITY- Target ng lokal na pamahalaan ng Naga na magkaroon ng mass testing sa naturang lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Naga City Mayor Nelson Legacion, sinabi nitong sinisikap aniya ngayon ng LGU na magkaroon ng rapid test kits ang lugar.
Ayon pa dito, sa ngayon tapos na ang pakikipag-negosasyon ng LGU sa mga pwedeng mag-provide ng rapid test kits kung saan inaasikaso na aniya ang pag-deliver ng naturang gamit sa bansa at dadalhin sa lungsod ng Naga.
Dagdag pa nito, mismong si Dr. Vito Borja, head ng Naga City Health Office ang maghahanda sa mga guidelines at patakaran kung paano ipatutupad ang mass testing.
Naniniwala kasi ang alkalde na kailangan nang gawin ang naturang hakbang dahil kahit pa alisin na ang ECQ, kailangan pa rin gawin ang mga karagdagang precautionary measures.
Sinabi pa ng alkalde na uunahin na isasailalim sa naturang swab testing ang mga health workers na exposed sa virus gayundin ang mga frontliners ng iba’t-ibang ospital sa syudad, barangay officials, at maging ang mga residenteng may sintomas ng sakit.
Ayon pa kay Legacion, hinihintay na lamang nila ang pagdating ng mga naturang test kits, maging ang proposed guidlines ni Dr. Borja para sa mga susunod pang hakbang.