NAGA CITY – Tuluyan ng ipinatigil ang mga illegal quarrying sites sa bayan ng San Fernando, Camarines Sur.
Ito’y matapos matanggap ng Sangguniang Bayan ang Cease-and-Desist Order mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Vice Mayor Allan Valenzuela, sinabi nito na bago ito ay agad na nagsagawa ng beripikasyon ang SB matapos makarating sa kanila ang reklamo na may nangyayaring illegal quarrying sa nasabing bayan.
Nabatid din na nasa 14 quarrying sites ang mayroon ngayon sa San Fernando.
Kaugnay nito, lumabas din sa imbestigasyon ng DENR na dalawa lamang mula sa 14 na quarrying sa San Fernando ang mayroong Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa DENR.
Dahil dito, agad na nagpababa ng direktiba ang ahensiya para ipatigil na ang nasabing iligal na aktibidad.
Sa ngayon, sinumite na ang Cease-and-Desist Order sa opisina ng local chief executive ng nasabing bayan kung saan inaasahan na lamang umano nito na agad maipapatupad ang nasabing kautusan.