Tumaas sa P9.95 milyon ang kabuuang liabilities ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio noong 2024 mula sa P3.75 milyon noong 2022, ayon sa kanilang isinumiteng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), na ngayon ay sinusuri sa gitna ng nagpapatuloy na impeachment proceedings.

Isinumite ng Office of the Ombudsman sa House Committee on Justice ang SALN ng Pangalawang Pangulo mula 2022 hanggang 2024 bilang pagsunod sa subpoena kaugnay ng imbestigasyon. Sa datos, ang halos P10 milyong utang noong 2024 ay nakapangalan sa kanyang asawa.

Ipinakita rin sa 2024 SALN na umabot sa P88.5 milyon ang net worth ni Duterte—mas mataas kumpara sa P77.5 milyon noong 2023. Sa naturang halaga, P66.8 milyon ang mula sa real properties habang P31.6 milyon naman ang halaga ng personal properties.

Noong 2023, ang kanyang yaman ay binubuo ng P54 milyong real properties, P25 milyong personal properties, at P2.55 milyong liabilities.

Advertisement

Samantala, noong 2022, may kabuuang P50.9 milyong real properties at P23.8 milyong personal properties si Duterte, habang ang kanyang liabilities ay nasa P3.75 milyon, na nagresulta sa net worth na P71.5 milyon.

Isa sa mga pangunahing alegasyon sa impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo ay ang umano’y pagkakaroon ng “unexplained wealth.” Tatalakayin ng House justice panel sa pagdinig kung may sapat na batayan ang nasabing paratang batay sa mga dokumentong isinumite.

Advertisement