NAGA CITY- Nasungkit ng mananakbong atleta mula sa Panukulan, Quezon ang limang gintong medalya sa 22nd Asian Masters Athletics Championship na ginanap sa Clark City Stadium, nitong Nobyembre 9 hanggang 12, 2023.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nhea Ann Barcena, ang nakasungkit ng limang gintong medalya sa nasabing event, sinabi nitong sa unang araw pa lamang ay dalawang ginto medalya na ang nasungkit nito sa 40-44 years old 800 at 1500 meters run category, at ang ikatlong ginto ng nasabing atleta ay nasungkit ng pangunahan nito ang 2,000 meters run category.
Nakuha rin niya ang ikaapat na gintong medalya sa 40-44 years old 5,000 meters category kontra sa siyam pang mananakbo, at gintong medalya rin ang naiuwi niya sa 40-44 years old 10,000 meters run category. Sa kabuuan, lahat ng individual events nito, nasungkit niya ang first place na kaniya namang labis na ikinatuwa.
Maliban pa dito, sumasali rin si Barcena sa World Major Marathons na kakatapos pa lamang nitong Oktubre 8 sa Chicago kung saan nakuha niya rin ang best time dito.
Dagdag pa ni Barcena, isa rin ito sa mga nag-represent sa SEA Games na ginanap dito sa Pilipinas.
Ayon kay Barcena, simula pa aniya pagkabata hilig na nito ang naturang sports kung saan nag-umpisa aniya ito noong Grade 4 pa lamang. Maliban aniya sa layunin nitong manalo, nakakatulong rin kasi ang running sa kanyang kalusugan.
Samantala, pinaghahandaan naman ni Barcena ang World Masters Athletics Competition na gaganapin sa Sweden sa susunod na taon na maituturing na big event para kay Barcena.
Kaugnay nito, naging strugglers rin kay Barcena ang kawalan ng mga equipment kaya may pagkakataon na lumalaban itong nakapaa lang. Ngunit dahil rin aniya sa kanyang pangarap, nagsumikap ito upang makapagtapos ng pag-aaral dahil naging scholar rin ito sa kolehiyo.
Sa ngayon, payo na lamang ni Barcena sa mga inspiring athletes na dapat gusto nila ang kanilang ginagawa, magset ng goal at magtiwala na lahat ay posible.