NAGA CITY – Patay na ng matagpuan ang dalawa katao habang nagpapalutang-lutang sa isang ilog sa Barangay Curry, Pili, Camarines Sur.
Kinilala ang mga biktima na sina Simeon Sto. Domingo, 61-anyos, residente ng Zone 5, Barangay Tagbong at si Precy Panganiban, 56-anyos, residente naman ng Zone 7, Barangay Sto. Niño sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Fatima Ibias-Lanuza, tagapagsalita ng Pili Municipal Police Station, sinabi nito na ang naturang mga biktima ay live-in partner.
Ayon umano sa pamilya ni Sto. Domingo, huli itong nakitang buhay noong Abril 18, kasagsagan ng pag-uulan dahil kay Bagyong Bising.
Una rito, dumalo pa ang mga ito ng kasalan at nakipag-inuman pa ngunit hindi na ito nakauwi sa kanilang bahay.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, pinaniniwalaang nahulog ang naturang mga biktima sa riverbank dahil sa malakas na hangin na naging dahilan ng pagkakalunod ng mga ito.
Dagdag pa ni Lanuza, narekober din sa pinangyarihan ng insidente ang isang motorsiklo na pinaniniwalaang ginamit ng mga biktima ng maaksidente ang mga ito.
Ayon pa dito, batay din sa medical report ni Sto. Domingo wala naman umanong nakitang indikasyon na nagkaroon ng foul play kung kaya pagkalunod ang tinitingnang dahilan ng pagkamatay ng mga ito.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente.