NAGA CITY- Kinumpirma ni Naga City Mayor Nelson Legacion na kinokonsidera ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Naga ang pagpapatupad ng lockdown protocols sakaling may maitalang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa lugar.
Sa naging talumpati ni Mayor Legacion, sinabi nitong pinaghahandaan na nila ang naturang hakbang bilang bahagi ng security measures sakaling may maitalang magpositibo sa naturang sakit sa loob ng lungsd.
Ayon kay Legacion sa kasalukuyan, mayroong isang person under investigation (PUI) sa Naga City na kasalukuyang nakaconfine sa Bicol Medical Center habang halos nasa 90 naman ang mga persons under monitoring.
Ang naturang mga indibidwal ang kasama sa Pilgrimage sa Israel na dumating sa lungsod noong kamakailan lamang.
Samantala, ayon sa alkalde, ikokonsidera rin nila bilang person under monitoring ang mga taong uuwi ngayon sa lungsid mula sa Metro Manila habang hinikayat din ang mga ito na magpasailalim sa self quarantine.
Sa ngayon, hinahanda na rin aniya ng lokal na pamahalaan ang City Nursery na pwedeng gamitin bilang holding area sakaling lomobo ang bilang ng mga PUIs.
Sa kabilang dako, nanawagan naman si Legacion sa publiko na kumalma lamang dahil hindi aniya nangangahulugan na may mga PUM at PUI ay may positibo nang kaso sa lungsod.
Una rito, kinansela na ng LGU ang lahat ng mga aktibidad sa lungsod habang nakatakda na ring ipatupad ang one entry at exit polisy sa naturang lungsod bilang bahagi ng mas pinahigpit na security measures laban sa COVID-19.