NAGA CITY – Patay ang isang lola matapos mabundol at masagasaan ng truck sa Old Maharlika Highway, Barangay Ibabang Dupay, Lucena City.

Kinilala ang biktima na si Rebecca Rosellosa Sagadsad, 79-anyos, residente ng Purok III Brgy. Dalahican sa nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang tumatawid ang biktima sa pedestrian lane sa nasabing lugar ng mabundol ng behikulo na minamaneho ni Danie Niadas Ondovilla, 49-anyos, residente ng brgy. Manggagawa, Guinayangan, Quezon.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na matapos mabundol, nasagasaan pa ang biktima ng unahang gulong ng nasabing sasakyan.

Dahil dito, nagtamo ng tama sa ulo at sa iba pang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.