NAGA CITY- Patay ang isang lolo na kukuha lamang sana ng kanyang relief goods matapos mawalan ng malay sa barangay Sto. Domingo, Nabua, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Roger Abillonar, 62-anyos residente ng nasabing lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), napag-alaman na nagpunta sa covered court
ng nasabing lugar ang biktima upang tanggapin ang kanyang relief goods mula sa Provincial Government ng Camarines Sur.
Base sa imbestigasyon, sinabihan umano ito ng kanyang kaibigan na si Ernesto Millete na ibigay na lamang ang kanyang claim stub sa kanyang pamangkin upang makauwi na at makapag-pahinga.
Kung saan agad naman umano nitong ibinigay sa kanyang pamangkin ang claim stub at agad na umuwi.
Ngunit habang nag lalakad pauwi sa kanilang bahay ng bigla na lamang itong nawalan ng malay.
Kaugnay nito, agad na isinugod sa ospital ang biktima ngunit idineklara nang dead on arrival ng doctor.
Ayos sa death certificate ng biktima, nagtamo ito ng Myocardial Infraction na naging sanhi ng kanyang agad na pagkamatay.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing pangyayari.