NAGA CITY- Patay ang suspek na itinuturong nasa likod ng panggagahasa at pagpatay sa isang 10-anyos na bata sa Brgy. Ilayang Alsam, Tayabas City.
Kinilala ang suspek na si Mauro Gravamen, 60-anyos at residente ng Brgy. Ibabang Alsam, Tayabas City.
Kung maaalala, Pebrero 19 ng unang mawala ang biktima na sinasabing may autism spectrum disorder at Pebrero 21, 2020 na nang matagpuan ito ng kanyang tiyuhin sa isang liblib na lugar sa nasabing barangay.
May sugat sa mukha at iba’t ibang bahagi ng katawan ang bata na kalaunay napag-alamang ginahasa muna ito bago pinatay base sa resulta ng otopsiya sa bangkay.
Kaugnay nito agad na nagsagawa ng mga operasyon ang kapulisan para matukoy ang person of interest na umano’y nasa likod ng krimen.
Hanggang sa ayon sa Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na base sa pahayag ng live-in partner nito na si Rosalina Gener Jamilano, inamin ng supek na siya ang pumatay sa biktima na sinundan pa ng isang witness na nakakitang bago pa mawala ang bata, inabutan soboot ng pera ng matanda ang biktima.
Sa gitna ng hot pursuit operation ng Tayabas PNP, natukoy ang suspek sa bayan ng Tagkawayan, Quezon ngunit bago pa man ito maaresto, sinubukan nitong tapunan ng granada ang kapulisan dahilan para mabilis na nagpaputok ang operating team at na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.