NAGA CITY- Patay ang isang senior citizen matapos na mabundol ang minamaneho nitong motorsiklo ng isang truck sa Catanauan, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Rogelio de Luna Orfanel, 78-anyos, residente ng Brgy 06 sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na habang binabaybay ng suspek na kinilalang si Emmanuel Alba Oriba, 35-anyos, residente ng Gumaca sa nasabing probinsiya gamit ang minamaneho nitong truck ang National Road sa Barangay Matadang Sabang Silangan ng nasabing bayan, ng biglang mag U-turn si Orfanel mula sa kanang parte ng kalsada.

Dahil dito, nabundol ng minamanehong truck ng suspek ang motorsiklo ng biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na nagtamo ng mga sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na agad naman na dinala sa ospital ngunit binawian rin ito ng buhay.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek habang nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon hinggil nasabing insidente.