NAGA CITY- Patay ang isang lolo matapos na mabangga sa bayan ng Goa, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Francisco Bolor, 80-anyos, residente ng Brgy. Matacla, sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSgt. Alejandro Padron, desk officer ng Goa Municipal Police Station, sinabi nito na habang tumatawid ang biktima nang mag-overtake ang isang motorsiklo sa maling linya at dito na nabangga si Bolor.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang parte ng kaniyang katawan ang biktima gayundin ang suspek na kinilalang si Erwin Atole, 32-anyos, residente ng Bagumbayan Grande sa nasabing bayan.

Dagdag pa ni Padron, ikalawang beses na umano itong insidente na sangkot si Atole sa kaparehas na aksidente.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente habang inihahanda na ang kasong isasampa laban dito.