NAGA CITY – Patay ang isang lolo matapos aksidenteng mabundol ng isang delivery truck sa Maharlika Highway, Sitio Amao, Brgy Silangang Malicboy, Pagbilao Quezon.

Kinilala ang bikitma na si Leonardo Jalliorima Buisan, 62-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang binabaybay ng suspek na kinilalang si Aries Eco Camino, 31-anyos, residente ng Purok 5, Brgy San Isidro Talisay, Camarines Norte ang kahabaan ng Maharlika Highway gamit ang minamaneho nitong delivery truck ng aksidente nitong mabundol ang biktima na nagtatapon lamang umano ng basura sa harapan ng kanilang bahay.

Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na dahil sa naturang insidente ay nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na naging dahilan ng pagkamatay nito.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente.