NAGA CITY – Patay ang isang lolo, matapos na masagasaan ng tren sa Lucena City.

Kinilala ang biktima na si Noel Ligaya Delos Santos, 61-anyos, residente ng nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na bago mangyari ang insidente, nakita pa ang biktima na naghihintay sa isang tindahan sa nasabing lugar.

Ngunit nang dumating umano ang tren, bigla na lamang itong humiga sa riles at dito na ito nasagasaan ng tren.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na dahil dito, nagkalasog-lasog ang katawan ng biktima.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad.