NAGA CITY- Patay ang isang lolo matapos na pagbabarilin ng hinda pa nakikilalang suspek sa Candelaria, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Emerson Escueta, 68-anyos, residente ng Brgy. Malabanban Norte sa naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-araman na habang nasa loob ng isang vulcanizing shop ang naturang biktima ng bigla na lamang itong pagbabarilin.

Dahil dito, nagtamo ng seryosong tama ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima resulta ng agaran nitong kamatayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na matapos ang naturang insidente, agad na tumakas ang suspek sa hindi malaman na direksiyon dala ang baril na ginamit sa krimen.

Batay pa sa pagsusuri ng mga otoridad, wala ring nakitang cartridge case sa pinangyarihan ng insidente ng magsagawa ang mga ito ng ocular inspection.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad habang patuloy pa ring tinutukoy at pinaghahanap ang suspek sa naturang krimen.