NAGA CITY- Umusad na ang 11th Bicol Region’s 2019 Military Parade Competition sa lungsod nang Naga.

Alas 6:00 pa lamang ng umaga, isinara na ang ilang mga pangunahing kalsada sa lungsod na maapektuhan ng parada.

Inaasahan namang mas mahaba ngayon ang naturang parada matapos kumpirmahin ni Vic Avila, ang Project Diector at Chairman ng aktibidad na may kabuuang 752 public and private schools sa Bicol ang lumahok dito.

Samantala, bilang bahagi ng mas pinahigpit na security measures ng mga kapulisan at iba pang force multipliers, maaga ring ipinatupad ang signal jamming para sa lahat ng mobile networks sa buong lungsod at mga karatig bayan na magtatagal hanggang sa matapos ang aktibidad.

Kung maaalala, noong mga nakaraang taon, umabot ng mahigit sa 11,000 na mga mag-aaral ang lumahok habang tumagal naman ng mahigit sa 12 oras ang naturang aktibidad.

Ang Bicol Region Military Parade Competition ang taunang isinasagawa bilang bahagi ng Penafrancia Festival at isa sa mga kinokonsidera bilang ‘longest military parade’ sa bansa.