Kinumpirma ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na may nakitang discrepancies sa mga listahan ng drivers na isinumite ng transport network companies (TNCs) at motorcycle taxi operators sa LTFRB at Department of Social Welfare and Development (DSWD), kaugnay ng isinasagawang financial assistance programs para sa mga PUV drivers.
Ayon kay LTFRB chief Assistant Secretary Vigor Mendoza, may malaking diperensya sa bilang ng mga driver na nasa listahan ng TNCs na isinumite sa LTFRB kumpara sa mga ipinasa naman sa DSWD para sa tulong-pinansyal.
“Yung listahan na binigay nila sa amin ay malayo sa listahan na binibigay nila dito sa ating DSWD… Talagang there is much to explain kasi ang layo ng numero,” pahayag ni Mendoza sa GTV’s Balitanghali.
Dagdag niya, may mga listahang posibleng naglalaman ng inactive o dating drivers kaya nagkakaroon ng hindi tugmang datos sa mga ahensya. Sinabi rin niya na iimbestigahan ng LTFRB ang pinagmulan ng discrepancy upang matukoy ang dahilan ng malalaking agwat sa bilang.
Kaugnay ng posibleng Senate investigation sa mabagal na pag-update ng records ng drivers, nilinaw ni Mendoza na ang LTFRB ay tradisyunal na humahawak ng listahan ng mga operators, hindi direktang consolidated records ng lahat ng drivers.
Dagdag pa niya, sa ilalim lamang ng kasalukuyang administrasyon sinimulan ang pagbuo ng centralized drivers’ database upang mapahusay ang monitoring at pag-validate ng impormasyon ng mga PUV drivers sa bansa.













