NAGA CITY – Pinayuhan ng Land Transportation Office o LTO ang lahat ng mga motorista na huwag pagtuonan ng pansin ang lahat ng mga text message at iba pang mga notification na ipinapadala sa kanila sa pamamagitan ng messaging apps ng umano’y traffic violations mula sa ahensya.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, ito’y dahil lahat umano ng mga ito mga online scams na nakadisenyo upang magnakaw ng mga impormasyon mula sa gusto nilang biktimahin kabilang ang bank at e-wallet information na magiging daan upang matangay ang pera ng biktima.
Paliwanag ni Mendoza, marami na silang natatanggap na ganitong modus operandi kung kaya binalaan nila ang mga motorista na huwag pansinin ang naturang mga mensahe upang maprotektahan ang kanilang mga sarili mula sa online scammers.
Pinaalalahanan ng LTO ang kanilang mga kliyente na huwag magbigay ng anumang detalye o click ang link lalong-lalo na ang kanilang mga license plate at iba pang mga personal information.