Pinaigting ng Land Transportation Office (LTO) Region V ang kanilang roadside inspections sa buong rehiyon bilang bahagi ng Oplan Byaheng Ayos ngayong Semana Santa.
Layunin ng hakbang na matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at deboto, lalo na sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga sasakyan at mga prusisyon sa iba’t ibang lugar. Kabilang sa isinasagawang inspeksyon ang pagsusuri sa kondisyon ng mga sasakyan, tulad ng preno, ilaw, at iba pang mahahalagang bahagi upang maiwasan ang aksidente sa kalsada.
Ayon sa LTO Region V, bahagi rin ng operasyon ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas trapiko, kabilang ang pagsuri sa lisensya ng mga driver at rehistro ng mga sasakyan.
Pinapayuhan naman ang publiko na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan bago bumiyahe at sumunod sa mga alituntunin sa kalsada upang maging ligtas ang paglalakbay ngayong Semana Santa.














