NAGA CITY – Nagsimula na noong buwan ng Mayo ang konstruksyon ng kalsada na matagal nang inirereklamo ng mga residente sa Barangay Fabrica, Bula, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Josephine Undecimo, barangay kapitan ng nasabing lugar, sinabi nito na matagal na umanong pinuproblema ng mga residente ang nasabing kalsada.
Dagdag pa nito na noong nakaraang administrasyon pa sila humingi ng asistensya upang masolusyunan ang nasabing problema.
Bago pa man simulan ang konstruksyon ng kalsada hindi lamang mga residente sa lugar ang nagrereklamo kung hindi maging ang mga dumaraan lamang dito.
Ang konstruksyon umano ay naisagawa sa tulong ng Department of Public Works and Highways.
Ayon pa kay Undecimo mayroon na ring mga naitalang aksidente sa lugar dahil sa lubak-lubak na kalsada na karaniwan ang nabibiktima ay ang mga hindi pamilyar sa lugar.
Samantala, umabot naman sa P6-M ang inilaan na pondo para sa nasabing proyekto at inaasahan na matatapos sa buwan ng Oktubre.
Maliban pa dito, isa pa sa mga gusto nilang masimulan na proyekto sa kanilang lugar ay ang pagkakaroon ng covered court, ito’y dahil karaniwang ang mga school activities ng mga paaralan ay isinasagawa sa plaza.
Dagdag pa nito na palagi silang nagpapasa ng resolusyon hinggil dito, at dalawang beses na rin itong personal na nagsumite sa Kapitolyo.