NAGA CITY – Matapos ang isinagawang Bicol Inter-Agency Task Force (BIATF) meeting ng mga gobernador at mga alkalde ng Bicol Region kahapon, napagkasunduan ng mga ito ng magpatupad ng ilang mga bagong kautusan sa lalawigan kaugnay ng COVID-19 pandemic.
Ilan sa mga ito ang paglalagay ng Regional Border Control Teams sa mga lugar na wala pa nito at paghihigpit sa Bicol-Quezon border para maiwasan na makapasok sa probinsya ang COVID-19 dahil posible umano na ang mga galing sa NCR at CALABARZON ang magdala ng virus sa rehiyon.
Napagkasunduan din sa naturang pagpupulong ang paghingi sa gobyerno nasyonal ng mga rapid antigen test kits gayundin ng mga supply na kakailanganin sa mga borders.
Mag-iimplementa rin ng mga karampatang intervention/control measures sa mga probinsiya, lungsod at munisipyo sa Bicol Region para mapigilan ang patuloy na pagkalat ng COVID-19.
Samantala, batay naman sa naging assessment ng DOH sa isinagawang BIATF meeting, MODERATE ang level of risk to COVID-19 ng lungsod ng Naga kung kaya GCQ ang naging Community Quarantine Decision para mapigilan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa lungsod.
Ngunit sa kabila nito, nilinaw ni Naga City Mayor Nelson Legacion na tanging Inter-Agency Task Force (IATF) lamang ang may poder na isailalim ang Naga sa GCQ o kahit ECQ.
Ayon sa alkalde, ayaw na nito na lumala pa ang sitwasyon sa lungsod o kahit na muling isailalim ito sa GCQ.
Kung kaya dahil na rin sa paglunsad ng DOH at DILG ipagpapatuloy pa rin ang pinapasunod na mga Intervention/ Control Measures na nakapalaman sa nauna ng ipinalabas na Executive Order 2021-006.
Sa ngayon, panawagan na lamang ng alkalde na patuloy na sumunod sa mga minimum health protocols dahil hindi ito ang oras para magpasaway ang bawat isa.