NAGA CITY- Nagpalabas na ng kautusan ang Regional Director ng Department of Education (DepEd) Bicol sa maagang pagtatapos ng School Year 2019-2020.
Ito’y may kaugnayan sa patuloy na paglobo at banta ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa bansa.
Sa ipinaabot na impormasyon ni Regional Director Dr. Gilbert Sadsad, inatasan nito ang mga schools division superintendent na isagawa na ang final examinations sa Lunes at Martes, Marso 16 at 17.
Pagkatapos ng examinasyon, kinakailangan umanong huwag ng bumalik ang mga estudyante sa kanilang mga paaralan at manatili na lamang sa mga bahay.
Sa mga guro naman, kinakailangan aniyang magtrabaho na lamang ang mga ito sa bahay dahil sila mismo ang machecheck ng mga test papers, gagawa ng mga grades at iba pang reports.
Samantala inaasahan naman sa Lunes ang isang emergency meeting ng lahat ng Assistant Schools Division Superintendent (ASDS) at Schools Division Superintendent (SDS) na gaganapin sa lungsod ng Legazpi.
Kung maaalala una ng nagpalabas ng kautusan sa mga paaralan sa Naga City si Schools Division Superintendent Manny De Guzman na pagsuspende sa mga nakahanay na aktibidad ng ahensya lalo na ang mga pagtitipon sa Division at district offices.Top