Isinusulong ng ilang mambabatas ang kongresyonal na imbestigasyon sa umano’y mabagal, mahal, at hindi madaling ma-access na internet services sa bansa, na patuloy na nahuhuli kumpara sa mga karatig-bansa sa Asya.

Ayon kay Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, kahit na naisabatas na ang Konektadong Pinoy Act at may mga bagong teknolohikal na pag-unlad, hindi pa rin sapat ang internet services sa bansa. “Halos kalahati ng mga Pilipino ay hindi pa rin konektado sa internet kahit napakahalaga nito sa maraming aspeto ng buhay,” ani Romualdez.

Samantala, naghain sina Deputy Speakers David Suarez at Jay Khonghun ng House Resolution No. 823, na humihiling sa House Committee on Information and Communications Technology na magsagawa ng imbestigasyon sa reliability, kalidad, affordability, at consumer protection ng internet at data services.

Batay sa datos ng House of Representatives, 48.8% lamang ng mga kabahayan sa bansa ang may internet connection noong 2024, ibig sabihin higit sa kalahati ng mga pamilya ay hindi pa rin konektado o kulang ang access. Ayon kay Suarez, malaking hadlang sa koneksyon ang mataas na subscription cost.

Advertisement

Ayon sa Department of Information and Communications Technology, ika-53 ang Pilipinas sa 154 bansa sa broadband speed noong Marso 2025. Dagdag pa, iniulat ng Philippine Institute for Development Studies na sa ASEAN-5 (Indonesia, Malaysia, Philippines, Singapore, Thailand), ang Pilipinas ang may pinakamahal na buwanang internet, umaabot sa humigit-kumulang ₱2,678 o $44.93.

Ayon sa mga mambabatas, labis na naaapektuhan ang mga estudyanteng mula sa mahihirap na pamilya dahil nagiging hadlang ito sa pag-aaral, digital access, at pantay na oportunidad sa edukasyon.

Advertisement