NAGA CITY- Halo-halong emosyon at hindi pagkapaniwala ang naramdaman ng isang estudyante mula sa Naga College Foundation matapos na mag Top 2 sa isinagawang Criminologist Licensure Examination.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Renier Andrian Barbacena Togño, Top 2, July-August 2024 Criminologists Licensure Exam, sinabi nito na sobrang emosyon ang kanyang naramdaman maging ng kanyang buong pamilya dahil sa malaking blessing na ibinigay ng Diyos sa kanila.
Aniya, parang nasa cloud 9 ang kanyang pakiramdam sa kasalukuyan dahil sa labis na kasiyahan na kanilang tinatamasa matapos nga na makumpirma na nasa listahan ng mga topnotcher ang kanyang pangalan sa nasabing eksaminasyon.
Kaugnay nito, ibinahagi naman ni Togño ang kanyang mga ginawa upang maging matagumpay sa nabangit na exam.
Importante umano para sa kanya ang pagkakaroon ng study habit. Sa loob kasi ng limang buwan na pag-review nito, naging habit na ni Togño ang pagbabasa sa oras na magising sa umaga, panoood ng mga lecture, pagkakaroon ng mga flashcards gayundin ang pagkakaroon ng manifestation at matibay na panalangin sa Diyos.
Sa kabilang banda, aminado naman ito na umabot umano sa punto na naging kalaban nito ang sarili, gaya na lamang ng takot na mararamdaman kung kaya mahalaga ang pagkakaroon ng support system upang makapagpatuloy sa nasimulan at paghugutan ng lakas ng loob.
Maliban dito, ipinayo naman ni Togño sa mga kabataan o indibidwal na magta-take ng exam na maglaan ng oras upang mag relax dahil kailangan ito upang maiwasan na mas ma-stress sa mga bagay-bagay na kaakibat ng nasabing eksaminasyon.
Sa ngayon, hagad rin nito ang tagumpay ng iba sa pag-abot sa kanilang mga pangarap sa buhay.