NAGA CITY – Arestado ang isang lalaki maging ang live in partner nito sa isinagawang entrapment operation para sa kasong robbery extortion sa Purok 4, Brgy. Bagong Silang Labo, Camarines Norte.

Kinilala ang mga suspek na sina Isidro delos Reyes, 58-anyos, at Erlinda Bueno, 57-anyos, kapwa residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office, napag-alaman na pinangakuan ng mga suspek ang mga biktima na kinilalang sina Benjamin Ecat, 73-anyos, at Genelyn Ecat, 31-anyos residente ng nasabing lugar na tutulungan nila ang mga ito na makalabas sa kulungan ang kanilang kamag-anak.

Sinabihan pa umano ng mga ito ang mga biktima na kahit hindi na ito dumalo sa mga hearing kapalit lamang ng P150,000.

Dahil dito, napaniwala nina Reyes at Bueno ang mag-ama kung kaya nakapagbigay ang mga ito ng nasa P30,000 bilang paunang bayad.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, gamit ang 49 piraso ng P1,000 peso bill bilang marked money matagumpay na nahuli ng mga otoridad ang mga suspek.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon habang hinahanda naman ang kasong isasampa sa mga ito.