NAGA CITY- Sugatan ang mag-pinsan matapos saksakin sa Brgy. Opias, Tayabas City.

Kinilala ang mga biktima na sina Genesis Blazo, 24-anyos at Joseph Blazo, 22-anyos, kapwa residente ng naturang lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang naglalakad ang mga biktima papunta sa isang simbahan ng bigla na lamang saksakin ng hindi pa nakikilalang suspek si Genesis.

Samantala, nang sinubukan namang awatin ni Joseph ang lalaki sa pananaksak sa kaniyang pinsan, ito naman ang pinagbalingan nito.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad nabatid na dahil sa insidente nagkaroon ng sugat sa kaliwang dibdib si Genesis habang si Joseph naman ay nagkaroon ng sugat sa baba.

Agad namang dinala sa ospital ang mga biktima para sa asistensiya medikal.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad gayundin ang pagtukoy sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek.