NAGA CITY- Sugatan ang magkakapamilya matapos pagtatagain ng nakainom na suspect sa Brgy. Batang, Pamplona, Camarines Sur.

Kinilala ang mga biktima na sina Francisco Recto Jr., 39-anyos, Antonia Recto, 36-anyos, Christian Recto, 18-anyos at isang 14-anyos na menor de
edad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPL Michael Angelo Jacar, Imbestigador ng Pamplona PNP sinabi nito na una ng nag hamon sa harap ng
bahay ng mga biktima ang suspect na kinilalang si Reynaldo Ruero.

Kung saan pinakiusapan pa ito ng biktima na si Antonia na umuwi na lamang dahil nakainom ito.

Ngunit dahil sa ingay lumabas ng kanilang bahay ang biktimang menor de edad at doon pinagtataga ng suspect, agad namang umawat ang iba
pang kapamilya nito kung saan nagtamo rin ang mga ito ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan.

Ayon kay Jacar, nagawa pang makapunta ng biktimang si Francisco sa kanilang check point upang i-report ang nasabing pangyayari, kung saan
nakita ng mga otoridad ang malaking tama nito sa bandang likod.

Samantala, napag-alaman na nagtamo ng tama ang menor de edad sa parteng ulo nito at sa likod ng braso, ang biktima naman na si Christian
nagtamo ng sugat sa likod na parte ng kanyang binti, habang si Antonia ay isang malaking hiwa sa kanyang kamay.

Ayon kay Jacar, mayroon ng dating hindi pagkakaintindihan ang nasabing suspect at ang padre de pamilya na si Francisco.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspect para sa karampatang disposisyon.