NAGA CITY- Maituturing umano na pinakamalakas na lindol sa kasaysayan ng Turkey ang naitalang magnitude 7.8 na lindol sa nasabing bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Bombo International News Correspondent Lorie Ann Cabanilla Argallion, mula sa nabanggit na bansa, sinabi nito na una nang nakapagtala ng malakas na lindol noong 1990 na ikinamatay naman ng maraming tao.
Dagdag pa ni Argallion, aabot sa 2,200 ang mga binawian ng buhay habang nagpapatuloy pa umano ang assessment ng kabuuang numero ng mga nasugatan sa ngayon.
Ayon pa kay Argallion, tiniyak nang Turkish Government ang tulong sa mga naapektuhan subalit nahihirapan sa isinasagawang rescue operation dahil sa makipot at pag-crack ng mga daanan.
Mayroon naman umanong ginagamit na chopper subalit problema ang mahangin na panahon.
Samantala, mayroong mga area sa nasabing bansa ang nawalan ng kuryente dahil sa nangyaring lindol.
Nakakalungkot din umano ang sitwasyon nang ibang mga residentes na nananatili sa mga tent na kung tutuusin hindi maganda dahil sa malamig na panahon.
Sa ngayon, maliban sa tulong ng Turkish government, mayroon naman na ipinapaabot na tulong ang ibang bansa.