NAGA CITY- Patay ang isang magsasaka matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Sitio Bacong, Brgy. San Isidro, Candelaria, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Adelio Tibayan Anas, 41-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang pinapakain ng biktima ang kaniyang alagang baka ng bigla na lang dumating ang dalawang suspek, kung saan armado ng baril ang isa sa mga ito at dito ay nilapitan ng mga suspek ang biktima at hinabol at pinagbabaril sa hindi malamang dahilan.

Wala namang pagkakakilanlan ang mga suspek maliban sa; ang isa rito ay nakasuot ng puting sweatshirt, maong na blue na pants, pulang sumbrero at puting facemask, habang ang isa naman ay nakasuot ng asul na sumbrero, itim o asul na jacket, black na inner shirt, maong na blue short at facemask na gary.

Matapos naman ang ginawang krimen, agad namang tumakas ang mga suspek bitbit ang baril na ginamit papunta sa hindi pa malamang direkasyon.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nadiskubre sa pinangyarihan ng krimen ang isang live ammunition kan caliber 9mm na baril.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad tungkol sa nasabing insidente lalo na ang pagtukoy sa pagkakakilanlan at kinalalagyan ng mga suspek.