NAGA CITY – Patay ang isang magsasaka matapos pagbabarilin sa Brgy. Calagbangan, Sipocot, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Julio Braga, 40-anyos residente ng Barangay Napolidan, Lupi, sa kaparehong lalawigan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang kasama ng isang Joeue Toribio, ang biktima na sakay sa isang motorsiklo mula sa Barangay Napolida at patungo sa Brgy. Calagbangan, ng bigla na lamang paputukan ang mga ito nang hindi pa malaman na kalibre ng baril mula sa hindi pa malaman na direksiyon.
Dahil dito, natamaan ng bala ng baril si Braga dahilan upang mahulog ito sa kalsada mula sa sinasakyang motorsiklo hanggang sa paulanan ito ng bala na naging dahilan upang magtamo ito ng maraming tama ng bala ng baril sa kanyang katawan na naging dahilan nang agaran nitong pagkamatay.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, sinasabing matapos ang insidente, mayroong napansin ang driver ng motorsiklo na si Toribio na isang kulay puting van na dumaan at narinig pa umano nito ang mga pasahero sa loob na nagtatawanan habang patungo sa direksyon sa Población ng kaparehong bayan.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad lalo na ang pag-alam sa posibleng motibo sa nasabing krimen.