NAGA CITY- Patay ang isang magsasaka matapos pagtatagain ng kainuman nito sa Tagkawayan, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Manuel Godezano Jr, 47-anyos, residente ng Libmanan, Camarines Sur.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang nag-iinoman ang biktima at ang suspek na kinilalang si Cristoper Olopan, 38-anyos, nang magkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawang panig.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na umalis ang suspek sa lugar at dito na nito tinambangan at pinagtataga sa gilid ng ilog ang biktima habang pauwi na sana ng kanilang bahay na naging dahilan ng agaran nitoing kamatayan.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek habang naiwan naman sa crime scene ang bolo na ginamit ng salarin sa krimen.
Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente gayundin ang pagtunton sa suspek para sa kaukulang disposisyon.