NAGA CITY – Patay na ng matagpuan ang isang magsasaka matapos na makuryente sa Zone-2, Brgy. Planza, San Fernando, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Alex Nollora, 54-anyos residente sa naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), nabatid na nakita na lamang umano ng mismong anak ng biktima ang kanyang ama na nakahandusay na sa kanilang sala.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, pinaniniwalaan na nakuryente ang biktima dahil madilim umano ang buong kabahayan at mag-isa lamang umano ito sa kanilang bahay ng mangyari ang naturang insidente.

Sa ngayon, isasailalim sa post mortem examination ang bangkay ng biktima habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.