NAGA CITY – Patay na ng matagpuan ang isang magsasaka matapos pagtatagain ng kainuman sa Tagkawayan, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Manuel Godezano, 57-anyos, residente ng Brgy. Casispalan, sa nsabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman una nang nakita na nag-iinuman ang biktima at ang suspek na si Cristoper Olopan, 38-anyos, residente ng nasabing lugar sa harap ng isang sari-sari store na pagmamay-ari ng isang Ariel Salvadora nang bigla na lamang nagkaroon ng mainit na diskusyon sa pagitan ng mga ito.
Matapos nito, umalis na si Olopan, ngunit dahil sa galit nito sa biktima, inabangan pa nito si Godezano sa tabi ng ilog habang pauwi naman ito sa kanilang bahay.
Kaugnay nito, dito na pinagtataga ng suspek ang biktima sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Samantala, agad namang tumakas ang suspek matapos ang naturang krimen.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang pagtunton ng mga awtoridad kay Olopan para sa posibleng pagkakaarestar nito.