NAGA CITY- Sugatan ang isang magsasaka matapos na pagsasaksakin sa Barangay Olag-Pequeño, Tinambac, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Alberto Selpo, 50-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, nabatid na habang nasa mainit na diskusyon ang suspek na kinilalang si Jose Lorilla at ang asawa nito na si Fe Lorilla nang bigla na lamang nitong hinampas ang asawa gamit ang bakal na tubo na naging dahilan upang tamaan ito sa palapulsuhan.

Dahil dito, tumakbo palabas si Fe at humingi ng tulong kay Selpo.

Kaagad namang pumunta sa bahay ng suspek ang biktima at kinausap si Jose ngunit habang nagkakaroon ng pagtatalo ang dalawa, bigla na lamang sinaksak ni Jose si Alberto.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan si Alberto na kaagad naman na dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa kaukulang disposisyon.