NAGA CITY – Sunod-sunod na ang isinagawang emergency meeting ng lokal na gobierno ng Naga City matapos na maitala ang biglang paglobo ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Ito’y matapos na mapabilang rin ang lungsod sa mga lugar na isasailalim sa Alert Level 3.

Mababatid na 14 lalawigan at lungsod ang babanderahan ng nasabing alert level status simula Enero 9 hanggang 15 ng kasalukuyang taon, ayon na rin sa direktiba ng IATF.

Sa nasabing status, papayagan ang operasyon ng mga sinehan habang 30 percent lamang ang papayagan sa indoor capacity at 50-percent outdoor capacity.

Iilang lugar naman ang papayagan na mag-operate ng 30 percent ngunit para lamang sa mga fully-vaccinated individuals tulad ng amusement parks, recreational venues, religious gatherings, licensure exams, dine-in services, personal care services, fitness studios, non-contact sports, film, music at TV productions.

Samantala, para sa mga byaherong papasok naman sa lungsod galing sa Metro Manila, kinakailangan na makapagpakita ang mga ito ng antigen test result at vaccination cards patunay na sila’y fully vaccinated na bilang paghahanda na rin sa panganib na dala ng Omicron variant.

Kaugnay nito, inalerto na rin ang Barangay Health Emergency Task Force para magminotor sa mga personang nagsisidatingan sa mga barangay na galing NCR.

Pinag aaralan na rin ng LGU Naga na ibalik ang mga Border Checkpoints sa mga barangay sa lungsod.

Sa kabilang dako naman, nagpahayag ng pagkontra si Naga City Councilor Buddy Del Castillo sa direktiba ni Presidente Duterte na hindi palabasin ng bahay ang mga hindi pa bakunado sa COVID-19.

Binigyan-diin nito na hindi ito papabor sakaling gawing ordinansa sa lungsod ang “No bakuna, no labas” policy dahil isang uri aniya ito ng diskriminason.

Ayon naman sa pinakahuling ulat ng Department of Health Bicol – umabot sa 104 ang bilang ng mga nagpositibo sa nasabing sakit sa lalawigan ng Camarines Sur, kasama na ang 35 mula sa lungsod ng Naga.

Sa ngayon, inaalam pa naging travel history ng nasabing mga pasyente habang hinihintay naman na ipalabas ni Mayor Nelson Legacion ang kanyang official statement at ang ibabang mga bagong alituntunin kaugnay ng bagong alert level system.