NAGA CITY- Mahigit 100 kilo ng assorted processed meat at mga itlog ng pugo ang nakumpiska sa isinagawang operasyon ng mga otoridad sa Bicol Central Station, Triangulo Naga City.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Police Regional Office 5, napag-alaman na isinagawa ang nasabing inspeksyon ng Task Force ASF kasama ang Bureau of Animal Industry, National Meat Inspection Service Region V, City Veterinary Office, Police Station II, Naga City Police Office at Public Safety Office Naga.
Kasama sa mga nakumpiska ang 25kgs ng beef fat, 92kgs ng pork pata, 8 crates ng itlog ng pugo at apat na pangsabong na manok na pinaniniwalaang naapektuhan ng African Swine Fever at Avian Flu.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Bureau of Animal Industry at National Meat Inspection Service Region V ang nasabing mga processed meat para sa karampatang disposisyon.
Kung maaalala, una ng tiniyak ni Dr. Junius Elad, City Veterinarian na magpapatuloy ang regular na monitoring ng Task Force ASF hanggang sa may naitatala pang mga kaso ng naturang sakit sa bansa.