NAGA CITY – Tiniyak ng Department of Health (DOH)-Bicol na kasama ang rehiyon sa initial vaccination rollout ng Sinovac vaccine.
Sa isinagawang media dialouge ng nasabing ahensiya, kinumpirma ni Dra. Rita Mae Ang-bon, DOH-Bicol Program Coordinator ng COVID-19 vaccine, nabatid na 11,700 doses ang inilaan na ibibigay sa nasabing lugar.
ANiya, tinatayang nasa 5,850 katao lamang ang makakatanggap ng nasabing bakuna.
Nakalaan na rin umanong ipamahagi ang mga bakuna sa apat na mayor na ospital sa rehiyon, kasama ang Bicol Regional Training and Teaching Hospital sa Legazpi City, Bicol Medical Center at NICC Doctors Hospital sa Naga City, gayundin ang Bicol Region General Hospital and Geriatric Medical Center.
Kaugnay nito, umaasa rin si Ang-Bon na agad na maiideliver ang mga bakuna para masimulan ang vaccination roll-out sa rehiyon.
Tiniyak din nito na sakaling dumating na ang mga bakuna, agad itong dadalhin sa cold room ng Bicol Central for Health Development sa Legazpi City.
Sa ngayon, naghihintay pa rin ang ahensiya ng update mula sa National Office kung sa paanong paraan idedeliver ang mga nasabing bakuna.