NAGA CITY – Umabot sa 30,652 na mga pamilya o katumbas ng 110,566 na mga indibidwal ang kinailangan lumikas dahil sa naging epekto ng Bagyong Amang.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki Lizel Macatangay, tagapagsalita ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC)-CamSur, sinabi nito na 35 na mga bayan sa lalawigan, 18 rito ang nalubog sa tubig-baha.
Binaha rin ang 158 na mga barangay sa CamSur, ilang oras lamang matapos magpababa ng Red Alert Status ang Camarines Sur Provincial Government.
Dagdag pa nito, ilan sa mga bayan na labis na naapektuhan ng masang panahon ang Pamplona, Milaor at San Fernando sa nasabi pa ring lalawigan.
Aniya, pagdating naman sa sektor ng agrikultura, wala pang ibinibigay na ulat ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC)-CamSur hinggil sa naitalang pinsala ngunit asahan umano na malaki ang naging epekto nito sa naturang sektor.
Samantala, bago pa man ang pananalasa ng nasabing bagyo, una ng nagpatupad ng mandatory Forced Evacuation ang PDRRMC para makaiwas sa anumang uri ng trahedya.
Ngunit nilinaw naman ni Macatangay na kapag sinabing Mandatory Forced Evacuation, tinutukoy dito ang mga lugar na prone sa mga pagbaha o ang mga lugar na nasa low lying areas.
Sa kabilang banda, pinuri rin ni Macatangay ang mabilis na hakbang ng PDRRMC-CamSur lalo na pagdating sa mga anunsyo gaya na lamang ng pagpapababa ng mga Red Alert Status, Class Suspension, Forced Evacuation at No Swimming, No Sailing Policy upang walang maitalang casualty.
Sa ngayon, nagpasalamat na lamang ito sa bawat Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMOs) sa lalawigan na sumunod at nagkaroon ng Localized Memorandums kaugnay ng mga Memorandum na ibinaba ng Provincial Government.