Mahigit 200 na katao inilikas na sa isang Barangay sa Batangas dahil sa pag-aalboroto ng bulkang Taal
Inilikas na ang mahigit 200 katao sa Barangay Calawit, Balete, Batangas dahil sa nagpapatuloy na pag aalboroto ng bulkang Taal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Master Seargent Nemesio Maraño ng PNP Balete, sinabi nitong patuloy ang kanilang monitoring sa lugar upang masiguro ang kaligtasan ng bawat residente.
Aniya, naabisuhan na lahat ng mga residente sa nasabing lugar na mag silikas na at lahat naman umano ay sumunod sa utos ng kinauukulan.
Ang mga nasabing residente ay kasalukuyang nananatili sa kanilang mga Pabahay.
Ayon kay Maraño, mataas umano ang emission ng gas ng nasabing bulkan kung kaya’t sa ngayon nagpupulong na ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Balete, LGU Balete at PNP-Batangas para sa mga susunod na hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
Samantala, panawagan naman ni Maraño sa mga hindi pa lumilikas sa ngayon sa nasabing lugar na huwag mag- atubiling tumawag sa kanila upang matulungang lumikas bago pa lumala ang sitwasyon.