Mahigit 2,000 guro sa Camarines Sur ang nakatanggap ng promosyon sa ilalim ng bagong patakaran na Expanded Career Progression (ECP).
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Salvador Bogs Pelingon Division Information Officer, DEPED-Camarines Sur, sinabi nito ang Expanded Career Progression ECP ay naglalayong maiwasan ang sitwasyon kung saan ang mga guro ay nagreretiro pa rin bilang Teacher I. Sa bagong sistema, maaari nang umangat ang mga guro ng hanggang tatlong salary grade steps mula sa kanilang kasalukuyang posisyon.
Dagdap pa ni Pelingon na sa kabuuan, mahigit anim na libong (6,000) aplikasyon ang naipadala sa regional office para sa promosyon, at mahigit 2,000 na ang naaprubahan para sa reclassification. Dahil sa laki ng division ng Camarines Sur, inaasahan pang mas maraming guro ang makikinabang sa ECP.
Pinaliwanag naman nni Pelingon ang kahalagahan ng Master’s at Doctorate Degree. Ayon sa opisyal, isa sa mga criteria sa promosyon ang pagkakaroon ng post-graduate studies.
Ang mga may master’s o doctorate degree ay may kalamangan sa scoring kumpara sa mga wala. Bagama’t maaari pa ring ma-promote kahit walang graduate studies, mas mataas ang tsansa ng mga may karagdagang units. Mahalaga rin aniya na nakahanay sa specialization ng guro ang kukuning degree. Halimbawa, kung nagtuturo ng Mathematics, mas mainam na ang master’s o doctorate ay nakatuon din sa Math para sa mas mataas na antas ng mastery.
Binibigyang-diin ng pamunuan na ang patuloy na pag-aaral ay bahagi ng pagiging guro. Ang pagkakaroon ng graduate studies ay hindi lamang para sa promosyon kundi para rin sa pagpapalalim ng kaalaman at mas epektibong pagtuturo sa mga estudyante.











