NAGA CITY- Na-stranded ang nasa mahigit 30 pasahero sa Pasacao Port, Pasacao, Camarines Sur matapos kanselahin ang byahe ng mga barko dahil sa masamang panahon dulot ng Bagyong Crising at Southwest Monsoon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Edmer Miravalles, Head ng MDRRMO Pasacao, sinabi nito na sa kanilang monitoring sa tulong ng PCG, at iba pang ahensya, natukoy na nila ang nasa mahigit 30 indibidwal na na-stranded sa Pasacao Port patungong Masbate.

Kaninang umaga, nanatiling walang byahe ang nasabing daungan dahil sa malakas na alon ng dagat dulot ng hanging habagat na hinahatak naman ni Bagyong Crising.

Ilan aniya sa mga stranded na pasahero ay nanatili sa kanilang mga kamag-anak sa nasabing bayan habang ang iba naman ay sa mismong pantalan nanatili.

Advertisement

Samantala, ang mga mangingisdang may maliliit na bangka ay hindi pinapayagang maglayag.

Binigyang-diin ng opisyal na mas mabuting unahin ang sariling kaligtasan kaysa mapipilitang maglayag.

Advertisement