NAGA CITY- Mahigit 300kls ng processed meat product na pinaniniwalaang kontaminado ng African Swine Fever ang nasabat ng mga otoridad sa
Lomeda Subdivision, San Felipe Naga City.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Naga City Police Office (NCPO), sinasabing mula pa sa Bulacan ang nasabing mga pork siomai ng Sio Republic Handmade Siomai.
Ayon sa report, nakumpiska ang mga ito sa isang animal checkpoint sa lugar ng pinag-isang pwersa ng Naga City Police Office, Task Force ASF, National Meat Inspection Service, Task Force Comet, at City Veterinary Office.
Nabatid na pagmamay-ari ng nangangalang Johnson Javier ang prangkisa ng nasabing mga produkto na pinamamahalaan ng nagngangalang Annie Lopez.
Kaugnay nito, agad naman itong kinumpiska ng mga otoridad para sa karampatang aksyon.
Kung maaalala, kamakailan lamang nang kumpirmahin ang unang kaso ng African Swine Fever sa bayan ng Bombon sa Camarines Sur kung kaya nagpatupad na ng lockdown ang Naga City.
Mula pa noong isang linggo, mahigit isang tonelada na rin ng mga assorted proccessed meat ang nakumpiska ng Task Force ASF sa naturang lungsod.