NAGA CITY- Umabot na sa mahigit 800 katao ang mga evacuees mula sa Batangas ang nananatili ngayon sa lalawigan ng Quezon.
Ito’y kaugnay pa rin sa epekto ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Taal sa nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Melchor Averilla head ng Provincial Disaster Risk and Reduction Management Council ( PDRRMC- Quezon), sinabi nitong handa pa silang buksan ang iba pang evacuation centers sa kanilang lugar sakaling kulang na ang mga lugar na pwedeng magamit ng mga residente sa Batangas.
Ayon kay Averilla, patuloy naman ang suporta sa mga ito ng lokal na pamahalaan ng Quezon lalo na ang mga pangangailangan ng mga evacuees.
Aniya, handa rin silang magpadala ng karagdagang augmentation force lalo na ngayon na mas pinahigpit ang kanilang pagbabantay at contigency plan kaugnay ng naturang insidente.
Samantala, ayon naman kay Averilla, suspendido pa rin ang mga government offices maging ang mga klase sa pribado maging pampublikong paaralan sa 1st and 2nd District ng Quezon na apektado ng nangyaring ashfall kahapon.