NAGA CITY – Umabot sa mahigit P1.3-M ang naging pinsala ng nangyaring sunog sa Goa Public Market sa lalawigan ng Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay FO1 Mari Peñafrancia Cortes, Public Information ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Goa, sinabi nito na naging pahirapan ang pag-apula ng apoy sa lugar dahil hindi agad naputol ng Casureco IV ang linya ng kuryente.
Dagdag pa nito, luma na ang ibang tindahan at gawa pa sa mga light materials.
Ngunit paglilinaw pa ni Cortes na compliant naman ang mga ito sa mga hinihingi ng BFP.
Ayon pa kay Cortes, inabot ng isang oras nago naapula ang apoy kung saan napag-alaman na nagsimula ito dakong alas-6:20 ng gabi ngunit naideklarang fire-out dakong alas-7:20 na rin ng gabi.
Sa kabuuan, tinatayang umabot sa P1,332,000 batay naman sa declaration ng mga may-ari ng tindahan.
Ngunit ang nasabing pinsala ay tanging ang mga nasunog na gamit pa lamang at hindi pa kasali ang mismong struktura na pagmamay-ari naman ng Local Government Unit ng Goa.
Samantala, hindi pa rin matukoy ng naturang ahensiya ang dahilan ng nasabing sunog.
Sa kabila nito, nagpapasalamat naman ang opisyal dahil walang nasaktan o binawian ng buhay sa insidente.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan ng BFP sa mga store owners para sa nagpapatuloy na imbestigasyon.