NAGA CITY – Arestado ang apat na suspek sa pagnanakaw ng mahigit sa P1.7-M na pera sa isang establishemento sa Tiaong, Quezon.
Kinilala ang mga suspek na sina Rowelle Randy Paralleon, Mar Bermas Santelices, John Jeric Abragon at Erwin Urban habang pinaghahanap pa rin ang tatlong hindi pa nakikilalang mga suspek.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na sakong alas-2 o alas-3 ng madaling araw nang pinasok ng nasabing mga suspek ang isang gusali na pagmamay-ari ni Ramon Abad Preza, residente ng nasabing lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na aabot sa kabuuang P1,760,000 ang halaga ng perang nanakaw ng mga suspek.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad sa insidente na nagresulta sa pagkakaaresto ng apat na suspek habang patuloy pa rin na pinaghahanap ang tatlong iba pa na tumakas papunta sa hindi malamang direksyon.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.