NAKUMPISKA ang mahigit P1-M na halaga nang pinaghihinalaang shabu mula sa isang High Value Individual (HVI) on Illegal Drugs ng Philippine National Police (PNP) sa Daet, Camarines Norte.

Kinilala ang suspek sa alias na Kat, 30-anyos, residente ng Purok 3, Brgy Pamorangon sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga, napag-alaman na ang nasabing operasyon ang pinangunahan nang Philippine Drug and Enforcement Agency (PDEA)-Camarines Norte katuwang ang mga tauhan ng Daet Municipal Police Station.

Sa isinagawang operasyon, nakuha sa suspek ang isang piraso ng plastic nang instant noodles na mayroong laman na nakatali na plastic bag ng nasabing iligal na droga.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na tinatayang aabot sa 150 grams ang kabuuang timbang ng mga nakumpiska na pinaghihinalaang iligal na droga na mayroong katumbas na halaga na P1,020,000.

Sa ngayon, nasa kustodiya na nang mga awtoridad ang suspek para sa karampatang kapadusahan.