NAGA CITY – Aabot na sa kabuuang P156,459,699 ang pinsala sa agrikultura sa Bicol Region dahil kay bagyong Bising.

Habang aabot naman sa P50,212,400 ang pinsala naman sa Irrigation facilities sa naturang rehiyon.

Sa datos ng Office of the Civil Defense (OCD)-Bicol, napag-alaman na apat na bayan sa lalawigan ng Catanduanes ang patuloy pa ring binabaha kung saan ang ilang lugar pa rito ang hindi pa rin madaanan dahil sa ilang mga naitalang pagguho ng lupa.

Ayon pa dito, pagdating naman sa daloy ng kuryente ay hindi pa rin stable ang linya sa ilang bahagi ng lalawigan ng Camarines Sur, Catanduanes at Masbate.

Samantala, mayroon na ring naitalang nasugatan sa Daet, Camarines Norte ngunit nananatili pa ring zero casualty ang Bicol Region sa kabila ng naging pananalasa ni Bagyong Bising.

Sa kabila nito, nasa 14,370 na lamang na mga pamilya o 55,785 katao ang nananatili pa rin sa mga evacuation area.

Habang nasa 971 katao, tatlong bus, 228 trucks, 94 light vehicles, at tatlong sea vessels naman ang nananatiling stranded sa mga pantalan ng Bicol Region.