NAGA CITY- Nasabat ang nasa P2M na halaga ng shabu mula sa tatlong suspek sa tatlong magkakahiwalay na buy-bust operation sa Quezon.
Kinilala ang mga suspek na sina Anthony Ryan Reyes, 40-anyos, ng San Andres, Quezon, Reymond Ruidera, 32-anyos, ng Infanta, Quezon at Erwin Soto, 29-anyos, ng Dasmariñas Cavite.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na narekober kay Reyes ang anim na sachet ng pinaniniwalaang shabu na nasa 1.66 grams na tinatayang P33,864.00 ang halaga.
Kaugnay nito, nakumpiska rin kay Ruidera ang dalawang sachet ng pinaniniwalaang shabu na nasa 0.9 grams na tinatayang nasa P18,360.00 at ilang mga drug paraphernalia.
Habang narekober naman kay Soto ang 23 piraso ng P500.00 na boodle money at 100 grams ng pinaniniwalaang shabu na tinatayang nasa P2,040,000.00 ang halaga.
Samantala, nasa 102.56 grams naman ang kabuuang timbang ng mga nasabat na iligal na droga na tinatayang nasa P2.9M ang kabuuang halaga.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang naturang mga suspek para sa karampatang disposisyon.
Ang naturang operasyon ay kasabay ng mas pinahigpit na monitoring sa Enhanced Community Quarantine sa naturang lalawigan dahil sa COVID-19.