NAGA CITY- Tinatayang aabot sa mahigit P278, 000 na halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nakumpiska sa isang lalaki sa isinagawang buy bust operation ng nga awtoridad sa De Ramos Street, Barangay Poblacion, Candelaria, Quezon.
Kinilala ang suspek na si Eric Bustamente, 39-anyos, residente ng naturang lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Provincial Police Office (QPPO), nabatid na nakabili ang nagpanggap na poseur buyer sa suspek ng isang plastic bag ng pinatuyong dahon ng marijuana kapalit ang P500 bilang buy bust money.
Maliban sa buy bust item, nakumpiska pa sa suspek ang isang puting paper bag na naglalaman ng 18 pirasong transparent plastic bag, pitong pirasong self sealing plastic bag at tatlong pirasong paso na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Tinatayang nasa 774 grams ang bigat ng pinagbabawal na gamot na posibleng aabot sa P278,640.00 ang halaga.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.