NAGA CITY – Mahigit sa P370-K ng pinaniniwalaang shabu ang narekober ng mga awtoridad sa isang lalaki sa Lucena City.
Kinilala ang suspek na si Lindsey Roy Ayapana.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office nabatid na habang nagsasagawa ng OPLAN SITA ang mga tauhan ng Lucena City Police Station sa Quezon Ave. Extension, Barangay Cotta sa naturang lungsod nang hindi pansinin ng suspek ang checkpoint sa kabila ng papahinto dito ng mga kapulisan.
Ngunit naharang pa rin ito ng mga awtoridad at nang hingin ng mga ito ang lisensiya ni Ayapana, dito na nakita ang isang sachet ng pinaniniwalaang shabu.
Dagdag pa dito, narekober pa sa suspek ang limang sachet ng pinaniniwalaang shabu na may bigat na nasa 18.47 grams na nagkakahalaga ng kabuuang P376,788 pesos.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.