NAGA CITY – Nasamsam ng mga otoridad ang mahigit sa P4.8-M na halaga ng shabu mula sa limang drug personalities sa magkakahiwalay na buy bust operation sa Lucena City.

Kinilala ang mga suspek na sina Romualdo Madera Villanueva alias “Omal” 47-anyos; Romualdez Oracion, 46-anyos; Mary Joe Nervar Zorca alias “Mae,” 38-anyos; Juaquinito Flores Ayangco alyas “Juaquin,” 27-anyos; at si John Mark Mendoza Nepales alias “Oblaks,” 25-anyos, kapwa residente ng nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na nakumpiska kina Villanueva at Zorca ang nasa P204,000 na halaga ng iligal na droga, narekober naman kay Ayangco ang nasa P122,000 na halaga ng shabu at aabot naman sa P99,756 na halaga ng iligal na droga ang nakuha kay Nepales habang nakumpiska rin kay Oracion ang nasa 40 sachet ng pinaniniwalaang shabu.

Advertisement

Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na aabot sa kabuuang 235.89 gramo o katumbas ng P4,812,156.00 ang halaga ng iligal na droga ang nasabat ng mga otoridad.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng mga otoridad ang naturang mga suspek habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga ito.

Advertisement